Pamilya: Espasyo ng Pagmamahal at Pagtanggap?

PAALALA: Hindi ako gumagawa ng mga konlusyon tungkol sa pamilyang Filipino. Inilalarawan at ikinukuwento ko lang kung ano ang naririnig ko mula sa karanasan ng mga malalapit sa akin.

Sabi nila, nagsisimula ang lahat sa pamilya. Kaya, saan ka man pumunta o maging sino ka man, sabi nila, babalik at babalik ka sa pamilya mo. Sa pamilya raw nagsisimula ang pag-ibig at pagmamahal. Sabi, tanggap ka raw ng pamilya mo maging sino ka man. Kaya, kung kaya naman, susuportahan ka nila sa mga desisyon mo at sa mga tatahakin mong landas. Kaya nga, ‘di ba, dito sa Pilipinas, halos nakasentro lahat ng desisyon sa pamilya? Minsan umaabot pa sa punto na iniiba mo ang sarili mo, mga priyoridad mo, at mga desisyon mo para sa pamilya. At, minsan, kung papalarin ka, mapapansin mong ibang tao ang nakikita mo sa “salamin” You’ve always wanted to be somebody else: somebody you’ve always wanted to be. Isang mang-aawit marahil. Isang artista. Isang guro. Isang manunulat o mamahayag. Isang piloto. Sa kinalaunan, mababanaag mo na hindi dahil gusto mo, makukuha mo. Akala ko dati, ang makapipigil lang sayo ay mga pisikal na mga limitasyon at kakulangan sa salapi. Kadalasan pala, (wala akong datos) lalo na rito sa Pilipinas, ang balakid sa pagiging ikaw na nais mong maging ay ang sarili mong pamilya. Hindi lang din ito usapin ng pangarap. Kinokontrol din ng pamilya (mula ito sa sariling karanasan at mga kuwento at karanasan ng mga kaibigan) kung paano dapat mamuhay. At kung hindi ka susunod, bahala ka sa buhay mo. They make it seem like treason to have your own say on how to live. You have always thought that your family will support you in all of your endeavors. You have always thought that they will let you make your own decisions especially when you’ve gotten older. 

Hindi pala.

At bakit hindi ka nila hahayaan kung may kalagayan ka namang hindi nila maunawaan? Hindi ba ikaw rin naman ang haharap sa mga kahihinatnan ng sarili mong mga desisyon?

Bakit ako nagsusulat tungkol dito? May isa akong malapit na kaibigan na maraming kinahaharap na pagsubok. Sa kaniyang kurso, masalimuout ang kapaligiran. Talamak ang tsismis at siraan. Kung nais mamersonal, ipagkakait sayo kung ano ang dapat sayo. Kasama pa riyan ang mga personal na pasakit. Ang pagiging heartbroken mula sa isang nasirang relasyon. Ang mabibigat na responsabilidad siyempre na dala ng mga trabaho at gawaing kaakibat ng kurso. Mahirap. Naranasan ko na rin at hindi ganoon kadali manatili sa sining na iyon. Hindi ko na sasabihin kung ano iyon pero mauubos ka talaga, hindi lamang sa trabaho, dahil napalilibutan ka rin ng mga taong hindi pinahahalagahan ang mga sakripisyo mo. Ang resulta: naapektuhan siya bilang tao at ang kaniyang mga grado. Kung ilalarawan, angkop ang imaheng: “she is walking on thin ice.” Tinanong ko na siya kung anong mga plano niya at kinumbinse ko siya na kausapin ang kaniyang ama kung anong balak niyang gawin at upang ipaalam ang sitwasyon niya. Maling payo pala iyon.

Sinabi niya na bumagsak siya. Ang plano niya, lumipat ng ibang kurso. Hindi niya na nasabi na kung sakaling hindi siya makalipat, mamabutihin niya na lang muna na magtrabaho. Ang tugon naman kasi ng tatay niya, wala raw siyang tiwala na lumipat siya ng ibang kurso. At na ang dahilan kung bakit nais niyang manatili rito sa Maynila at hindi bumalik sa may kanila sa norte ay may kasintahan siya rito. Kung hindi raw siya babalik roon, hindi na raw niya susuportahan ang kaibigan ko. Isinumbat pa na pinagbigyan lang naman niya ang kaibigan ko na mag-aral dito dahil sa kursong gusto niya. How immature. How controlling. For me, one of the signs of growth and maturity is to understand that you must relinquish on some things which include the life of other people. Hindi dapat isinusmbat na hinayaan mong habulin ng anak mo ang pangarap niya. Kung madapa siya, alalayan. Pakitaan ng pagmamahal. Pakitaan ng tiwala. That’s what we need. Not your advice. Not a lecture on how to live our lives. What we needs is love. And if you don’t understandand that loving entails trust and the constant decision to relinquish control, then, I guess, families have a distorted definition on how to love. Remember, we are the ones who will face the consequences anyway. Let us be. Let us fail. Support us all the way and accept who we become as long as we become good people. Akala ko pa naman alam ng pamilya kung paano magmahal. Akala ko pa naman sa pamilya mahahanap ang pagmamahal at pagtanggap.*

Hindi pala.

Uulitin ko ang isang tweet ko: “If what you want is the only thing you see and the only thing you want for others is what you want, not theirs, then you do not love them.

Only you can live with who you become.

*Pagsasakripisyo lang ng sarili ang alam nila ngunit hindi nila alam kung paano “bumitaw” at magtiwala.

Mga Simoun ng Lipunan

Siguro kung may pupulutin ako sa pag-aaral, pagsusuri, at pagtuturo ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo iyon ay ang paglalantad ni Rizal ng dalawang lapit sa paglunas sa kanser ng lipunan. Sa paglalantad ng dalawang lapit, nagsiwalat din si Rizal ng dalawang katauhang tendensiya maging ng mga Filipino, maging Crisostomo o maging Ibarra.

tumblr_m0z9mmGLTb1qbkvjjo1_500

Larawan mula sa Tumblr

Itabi muna natin sandali ang pagiging edukado ni Ibarra. Sa ngayon, hindi na muna mahalaga iyon. Ngunit, mahalagang tandaan na bunga lamang ng karanasan ni Ibarra si Simoun. Siguro mahalagang isipin na mas madaling piliin na maging Simoun, ang magpalamon sa dilim…ang “mamatay” at “mabuhay muli” na nag-uumapaw sa poot at galit. Madalas pa nga, hindi pagpili ang nangyayari kundi sadyang ganoon lamang itinadhana ang iba. Dati, sa panahon ng ating pambansang bayani, ang “pumapatay” sa tao ay hindi lamang literal na pagpatay, pati na rin ang pang-aabuso ng mga Kastila, partikula na ang mga fraile at mga guwardiya sibil, at ang kanilang pagsasabobo sa mga Filipino. Sa ngayon, may pagkakapareho pa rin. Lumikha ng isang sistema ang oligarkiya kung saan ang mahihirap ay lalo lamang naghihirap at ang mayaman ay lalo lamang yumayaman. Hindi sapat ang pagtatangkang iangat ang kalidad ng edukasyon upang manatiling “bulag” sa bulok na sistemang kinabibilangan ng mga kapuwa nilang Filipino. (May pagtatangka kaya talaga?) Ganoon pa rin. May nagbago ba talaga? May ipinagkaiba kaya talaga ang mga binoto nating mga pinuno sa mga Kastila noon?

Ngunit, bilang isang bansa kung saan namamayani ang Kristiyanismo, pumayag ang mga Filipino sa Daang Matuwid. (Paalala, hindi ito pagtatangkang yurakan ang administrasyong Aquino!) They chose to take the higher road and believed in the good. Pinili nilang maniwala sa isang pamamahala at pamumuno kung saan malinis at dakila ang pamamaraan ng pagkamit sa inaasam na pagbabago. Naniwala sila (TAYO) na unti-unting malulunasan ang kanser ng lipunan sa “dakilang” pamamaraan na ibinebenta sa atin ng mga nakaraang administrasyon tuwing eleksyon. Wala pa ring nangyari. At sawang-sawa na ang mga Filipino umasa sa mga hungkag na pangako.

Hindi ko tuloy masisi ang mga pinili maging Simoun kahit nanggagalaiti ako sa pagtatanggol ng mga kababayan ko sa paggamit ng pangulo ng kamatayan upang solusyunan ang kanser ng lipunan. Mahalaga sigurong pagnilayan na baka iba naman ang pakay ng pangulo sa kaniyang “war on drugs” Talaga kayang pagliligtas sa bayan ang nais niyang magawa sa kaniyang pagsuporta sa pagpatay sa nilikha niyang kaaway? O baka naman nais niya lang maghiganti? (Hindi ko alam kung kanino.) O dili kaya’y nais niya lamang maglabas ng sama ng loob o ipahayag ang kaniyang pagkadismaya sa estado ng bayan? Hindi ko alam. Gayunman, sa isang bagay, nakatitiyak ako, kahit kailan hindi naging tamang solusyon ang karahasan. Nagsisimula lang ito ng isang siklo. Isang anyo na nga ang isang siklo ng paghihiganti. Uulitin ko ang sinabi sa Westworld na sipi sa mga linya ni Friar Lawrence sa Romeo and Juliet ni Shakespeare:

“This violent delights have violent ends.”
“Ang mararahas na kaluguran ay may mararahas na katapusan.”

Sa pagkamulat sa katotohanan ng pagbabasa nito, isang imbitasyon din na basahin ang dalawang akda ni Rizal, isang hamon marahil ang lumilitaw: pipiliin mo bang mabuhay at magtiis tulad ni Ibarra, o pipiliin mo bang mamatay at mabuhay muli na balot at nag-uumapaw sa poot tulad ni Simoun? Baunin at pagnilayan ang mga salita ni George Washington sa kantang “Right Hand Man” sa Hamilton – The Musical:

“Dying is easy young man, living is harder.”

IKAW, ANO ANG PIPILIIN MO?

Kapangyarihan, Paghihiganti, Mga Inuusig, at Edukasyon

Bihira lamang ako magpaskil ng mga gawa ko sa mga klase. Pagbigyan. Slightly proud of myself.

Sa pagninilay tungkol sa mga nobela ni Rizal, nais kong magbigat ng higit na pansin sa dalawang kabanata ng Noli Me Tangere, ang ika-45 na kabanata na pinamagatang “Ang Mga Inuusig” at ang ika-49 na kabanata na pinamagatang: “Ang Tinig ng mga Inuusig” Bakit?

Sa lipunan, lagi at laging may inuusig. Nag-iiba marahil sa anyo, sa hitsura, at katawagan ngunit, sa aking pagkakaalam, laging may naaapi. Hindi sila nawawala dahil sa mga mapaniil at makasariling sistema na tayo-tayo lamang din ang bumuo at nagpapatakbo. Kaya, palagiang may pagtatangkang kuwestiyunin at maging kritikal hinggil sa sistema dahil, madalas, ang nakararami, ang mga inuusig, ang hindi naririnig. Sa Kabanata 45, mabibigyan ang isang inuusig o nausig, si Tandang Pablo, na magsalita habang kausap niyang kapwa inusig o inuusig, si Elias. Sa eksenang ito, gumamit ng isang imahe pagpasok ni Elias sa may kuweba na nagsisilbing kuta ng mga tulisan. Detalyado ang imahe na ipininta ni Rizal hinggil sa mga tulisan. Sa salin ni Augenbraum at sa pagkakasalin ko sa Filipino, inilarawan sila bilang “labindalawa hanggang labinlimang lalaki na marurumi ang mukha at gula-gulanit ang kasuotan”[1] Malamang na nagsimulang dukha ang mga tulisang ito o ginawang dukha ng mga nasa kapangyarihan tulad ni Tandang Pablo. Pinatutunayan ang mga nasa kapangyarihan ay may kapangyarihan na sagasaan ang sinumang gusto nila at kahit na may magawa silang pagkakamali, may kapangyarihan silang pagtakpan ito. Ipininta rito ang isang kapangyarihang lubos o absolute. Maaaring gamiting imahe ang pagkakalarawan ni Pilosopo Tasyo, sa pagpapayo kay Ibarra tungkol sa pagpapatayo ng isang paaralan, sa mga Kastila at sa mga kura sa ika-25 kabanata. Sa pagkakasalin ko, ayon kay Augenbraum, sabi ni Pilosopo Tasyo: “humihipan ang hangin, nakapangyayanig, nakapagpapayuko, animo’y ipinagsasanggalang ang sarili nito. Kung mananatiling nakatindig ang halaman, mababali ito. Ikakalat ng hangin ang mga bulaklak nito at ang mga buds nito…Sinong makasisi na yumuko ito gayong kailangan sa sitwasyon?”[2] Mahalaga para sa akin ang imahe ng pagpapayuko. Sa pagpapayuko, may nangyayari pagpaparaya at pagpapasakop. Hinahayaan gawin ang gusto kahit ‘di makatarungan dahil natatakot sa kapangyarihang dala ng mapangahas managasa. Iyan ang dahilan kung bakit matindi ang paniniwala ni Elias kay Ibarra at kung bakit kinumbinse niya si Tandang Pablo na ipagpaliban ang pagsugod at paggamit ng dahas. Sabi ni Elias: “[k]ung isasagawa mo ang iyong paghihiganti gamit ang iyong mga kamay, nakatatakot ang magiging pagganti ng iyong mga kaaway, hindi laban sa iyo, hindi laban sa mga armado, kundi laban sa mga laging inaakusahan, ang mga inosente. Hindi ba’t hihigit lamang ang pagdami ng kawalang katarungan?”[3] Muli, isinisiwalat ang kapangyarihang taglay ng mga Kastila na mapangwasak kung maghiganti. Ngunit, pansinin, may isa pang bagay na isinisiwalay ang siping ito: paghihiganti.

Isiniwalat ni Rizal ang tendensiya ng paggamit ng dahas sa paglaban sa mga Kastila. Maling dahilan ang ginagawang puhunan ng lakas upang maipagpatuloy ang pakikipaglaban para sa katarungan: paghihiganti. Hindi katarungan ang habol ni Tandang Pablo kundi maghiganti at matumbasan ang nawala sa kaniya kahit pa ang buhay niya. Sabi nga niya: “[b]ababa ako sa kapatagan at uubusin ang apoy ng aking paghihiganti at ang aking pag-iral.”[4] Handang mamatay si Tandang Pablo para lamang maghiganti. Gayunman, mahalagang tandaan na, sa ganitong intensyon, mababanaag na madugo ito at madadamay ang mga inosente at na makasarili ito kaya’t panandalian lamang ang dala nitong kaginhawaan. Sa paggamit ng dahas, walang naibabalik na naiwala. Tanging higit pang pagkawasak ang dala ng karahasan. Angkop lamang na ginamit ang imahe ng uubusing apoy o extinguished flame yamang ang mapangwasak na hangin din ang papatay sa apoy na ito.

Dadako naman tayo sa ika-49 kabanata. Napag-usapan na ang tendensiya ng paggamit ng dahas na isinusulong ng mga tulisan. Hanggang ngayon, may paniniwalang ganiyan. May mga naniniwala pa ring tanging sa dahas at pananakot higit na magkakaroon ng maayos na pamamalakad sa mga pamahalaan. Sa totoo lang, napag-usapan yan ni Elias at Ibarra. Sa kabanatang ito, mapapansin na may magkaiba silang interpretasyon sa reporma. Para kay Ibarra, mahalagang magkaroon ng reporma sa paraang may kinatawan nga tayo sa korte ng Espanya. Gayunman, naniniwala din siya na hindi tayo dapat gumawa ng mga pagbabagong magbibigay ng insentibo para sa mga Kastila na umalis. Sabi nga ni Ibarra noong sinabi ni Elias na kailangang magbago ng kaugalian ang mga prayle: “Upang maalagaan at mapanatili ang Filipinas, nararapat na hayaan ang mga prayle yamang nakasalalay ang pag-unlad ng ating bansa sa ugnayan natin sa Espanya.”[5] Labis na nadismaya si Elias at sinabing baka nga wala siyang nalalaman dahil indio siya. Dito sa usapang ito, may naipipintang larawan ng isang mayaman at edukadong natutunang magtanggol ng mga politikal na desisyon, at isang indio na napanatili ang pagiging prangka ng isang musmos kaya’t patuloy ito sa pagkuwestiyon at pagpuna sa mga dapat gawin pagbabago. Iyang imaheng iyan ay kitang-kita hanggang ngayon. Ang kakulangan ng pakikinig ng edukado na tila alam na ang lahat bagaman walang karanasan kasama ang mga inuusig at ang pagtatangkang marinig ng mulat na inuusig sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga hinaing nito buhat ng karanasan. Nalilimutan palagi ng mga edukado dahil naging mali ang epekto ng edukasyon sa edukado, natuto siyang mangatuwiran sa halip na maging kritikal. Kaya, akma lamang ang sinabi ni Ibarra ng mabanaag niya na nakalimutan niyang makinig: “[h]indi ako lumaki ng mga kababayan natin kaya hindi ako malay sa mga pangangailangan nila…lumaki ako sa Europa kung saan hinubog ako ng mga aklat na dinala ng mga tao sa liwanag. Ngunit ang sinabi ng mga manunulat na namamalagi sa anino, hindi ko alam.”[6] Maliwanag na kulang ang edukasyon na ibinigay kay Ibarra dahil kulang ito ng karanasan. Maganda ang ginamit na imahe dito: ang liwanag at anino ng kaalaman na sumisimbolo, para sa akin, sa teorya at realidad. Hindi niningning ang teorya kung walang kaakibat na realidad. Madalas na pinag-aaralan ang teorya ngunit nagkukulang sa pag-aaral ng realidad kung kaya’t nanatiling bingi sa mga inuusig at bulag sa mga pangyayari. Itinuturo ng liwanag na ikatwiran ang mga inhustisiya nangyayari sa mismong mga mata ng mga edukado.

Tunay nga, maraming imaheng ipininta si Rizal tungkol sa kapangyarihan, edukasyon, mga inuusig o naapi at sa paghihiganti. Isiniwalat ni Rizal gamit ang realismo ng kaniyang nobela ang ‘di natatapos at paulit-ulit na pag-abuso sa kapangyarihan, ang tendenisyang maging makasarili ng intensyon upang gumawa ng pagbabago, ang nakabubulag na liwanag ng edukasyon, at ang dulot nitong pagpapahirap sa mga inuusig. Sa buong nobela at gamit ang mga kabanatang ito, isang bagay ang nangingibabaw na nais iparating ni Rizal para sa akin, ang makinig. Tanging sa pakikinig sa tinig ng mga inuusig, sa panahong ito, malalaman ang tunay nilang kailangan. Nawa’y hindi tayo mabulag ng liwanag ng edukasyon upang gumawa ng mga hakbang para sa kanila kahit hindi pa tinutukoy ang tunay nilang pangangailangan. Isipin na lamang, hindi ba’t dapat kumokonti ang naghihirap kung maayos ang sistema? At tandaan din, kahit kailan ba magiging makatwiran gumamit ng dahas upang isaayos ang bansa?

 

BIBLIOGRAPIYA

Rizal, José, and Harold Augenbraum. Noli me tangere: touch me not. London: Penguin, 2006.

[1] José Rizal at Harold Augenbraum, Noli Me Tangere: Touch Me Not (London: Penguin, 2006), 297

[2] Ibid., 169

[3] Ibid., 299

[4] Ibid.

[5] Ibid., 325

[6] Ibid., 327

Ang Survivor at Ang Ambisyoso

“Be careful with that one, love
He will do what it takes to survive.”

“Burn” – Elizabeth Schuyler
Hamilton: The Musical

Isa sa mga konseptong hindi ko malilimutan sa Pilosopiya ng Tao sa pamamalagi ko sa Ateneo ang conatus essendi, ang tendensiya o inklinasyon ng tao na panatilihin ang pag-iral at paunlarin ang sarili. Sarili palagi ang nauuna at kitang-kita iyan kapag nagigipit ang tao. Hindi ba karaniwan na yan sa mga distopikong akda? Kapag papiliin ka sa buhay mo at sa buhay ng iba, buhay mo ang pipiliin mo. Iyan tumatak sa akin sa salitang survive at sa pangngalang survivor. Wala itong direktang salin sa Filipino. Ang pinakamalapit na naiisip ko ay ang natira. Napakaindibidwalistiko ng salitang survivor. Sa kabilang dako naman, ang indirektang salin nito ay nangangahulugang may naiwala. Wala namang matitira kung walang naiwala. Lumalabas ang kultura ng pagiging kolektibo ng mga Filipino. Napagnilayan ko yan habang pinakikinggan ang kantang Burn ng musical na Hamilton. Bakit?

Isinulat ni Hamilton ang Reynolds Pamphlet para patunayan na hindi siya gumasta ni isang kusing ng salapi ng bayan. Inuna niya ang kaniyang legacy, ang kaniyang pangalan, kapalit ng pagkasira ng kaniyang pamilya. Ano ang kinalaman ng pagiging conatus essendi dito? Pagnanais o desire ang nagsisilbing gasolina o sanggunian ng kapangyarihan ng tao. Isa ito sa mga dahilan kung bakit may tendensiya ang tao na proteksiyunan ang sarili dahil nais niya ring protektahan ang kaniyang pangarap. Kapag nag-uumapaw na sa pagnanais sa sariling pangarap, nagiging ambisyoso ang tao. Nagiging survivor siya, ginagawang tuntungan ang iba at handang ipagpalit ang lahat para sa pangarap. Halimbawa nga si Hamilton na sinira ang pamilya kapalit ng isang malinis na pangalan sa harap ng tao. Pero, gaya ng bawat survivor at ambisyoso, mag-isa ka dahil naging gamit na lang para sayo ang mga tao at handa kang magtago, takasan ang sariling responsabilidad o ilagay sa panganap ang buhay ng iba para lamang maipagsanggalang ang sarili. Iyon ang sumpa ng pagiging survivor o pagiging ambisyoso. Sa dulo, mag-isa ka lang at wala kang kasama para ma-enjoy ang matagal mo ng ninais at makamit.  Walang masama maging pangahas at ipaglaban ang iyong hinaharap ngunit masama na ito kung handang mong isakripisyo ang lahat para lamang mapanatiling buhay ang iyong mga pangarap. Tandaan ang sinabi ni Angelica kay Elizabeth sa parehong kanta:

“You have married an Icarus
He has flown too close to the sun.”

127724_12477549_lz

Sanggunian: Fiendfyres’s WordPress

Uulitin ko at ididiin ko:
Nakasusunog sa itaas. Nakamamatay ang ambisyong hindi nakaugnay sa realidad. Nakamamatay ang pagiging masyado o labis na ambisyoso.
May “gantimpala” sa “tuktok” ngunit aanhin mo ang “gantimpala” kung kailangan mo ipagpalit ang lahat at ikaw na lang ang matitira. Ambisyoso. Isang survivor. Mag-isa ka sa tuktok at wala kang pagbabahagian. Lahat ng akala mo’y mababahagian mo, nagsilbing hakbang (step) sa iyo sa ginawa mong hagdan papunta sa itaas. Is it worth it? Sulit ba isakripisyo ang mga nagsilbing pakpak mo upang makarating ka sa iba’t ibang lugar upang “magtagumpay”?

It is not easy to get to the top.
Getting to the top without corrupting yourself is much harder.

Note: Sobrang sabog ko na…sana okay naman.

Ang Espasyo ng Pamilya

Ang tahanan ay palipat-lipat. Maituturing na tahanan kung saan pinakakomortable ka. Kung saan malaya kang maging kung sino ka talaga, tahanan mo iyon. Hindi lang bahay ang tahanan. Minsan pa nga hindi. Kung ganoon, maituturing din na espasyo ang pamilya. Sa pamilya, DAPAT hindi mo na kailangan magsuot ng maskara. Hindi mo na kailangan magpanggap pa. Ikaw kung sino ka.

family-1266188_1920
Sanggunian: https://pixabay.com/en/family-silhouette-prayer-1266188/

Kaya ko nais magsulat tungkol sa pamilya dahil naikuwento ng isang malapit na indibidwal sa akin ang tungkol sa kaniyang inay. Sabi niya sa akin, hindi kaya kontrolin ng kaniyang ina ang galit nito. Sinabuyan na siya na mainit na tsaa. Pinukpok ng isang kagamitang sa kusina. Binato ng upuan. Binato ng bote ng lotion. Napakamarahas. Kaya, napansin ko rin naman ito, napakaingat niya sa paligid ng kaniyang ina. Kapag magkasama kami sa bahay nila, kitang-kita ang pagsusumamo niyang hindi magalit ang kaniyang nanay. Kapag tinawag siya, sagot siya kaagad. Ramdam na ramdam mo ang sense of urgency…parang may iniiwasang gulo. I feel like she’s tiptoeing in what or who is supposed to be her home.

Hindi kami nagkakalayo ng karansan. Kadalasan, makikita mo lamang ang masasamang ugali ng isang tao kapag lagi mo siyang nakakasama. Kusa itong lumalabas dahil komportable na siya sa presensiya mo. Ngunit…masyado na ata minsan tayo/sila nagiging komportable. Itong mga masasamang ugali at pangangatuwiran na kinalakihan natin ay pinaninindigan natin kahit mali at nakapeperwisyo sa iba. Labis nating sinasagad ang pasensya ng mga kasama natin sa bahay at laging ikinakatuwiran na dapat maging maunawin ang mga kapamilya natin. Ganoon ba talaga iyon? Sa tingin ba natin ay obligasyon ng iba na tiisin ang nakapeperwisyo nating mga kaugalian kahit na hindi natin ginagampanan ang responsabilidad nating magbago para ating ikabubuti at sa ikabubuti ng mga taong nasa paligid natin? Mahalaga lang pagnilayan. Maski ang mga matatanda at marami ng kinatandaan na mga paniniwala, tugon, at pag-uugali may panahon at mga oportunidad parang magbago. Hindi porke kinalakihan at panapanahong maikakatuwirang makatwiran o makatarungan, dapat may pagnanais at pagtatangka pa ring “tumingi sa salamin” Kung ikaw kung sino ka at may mali sa kung sino ka, huwag mong tanggapin kung sino ka…magbago ka! Kung bibigyan ng interpretasyon ang pamimilosopiya ni Arendt, parang sinasabi niya na: be someone you can live with. Picture yourself as if there’s a version of you who is your neighbor. Can you live with him or her? Maling interpretasyon iyon ng pagtanggap sa sarili. Hindi lang sa atin umiikot ang mundo.

Tandaan at uulitin ko, hindi lisensya ang pagiging kadugo para ipakita ang madidilim na bahagi ng iyong pagkatao. Hindi libreng lisensya ang pagiging pamilya upang manakit sa pisikal na paraan o sa pamamagitan ng pananalita. Family is where love should be practiced and where growth is promoted. After all, love, when it is done or expressed right, fosters growth. Always remember that you are not alone in a family.

Matutong makisama.
Maging bukas sa pagbabago.
Mali maging malaya at maging komportable kung ang kasama hindi.

Laro

“Work hard and play even harder.”
“Keep Your Money” – Jussie Smolett (Empire)

Kadalasan ng masama ang tingin ng mga magulang at mga nakatatanda sa paglalaro. Yamang itinuturing itong isa sa mga malalaking hadlang sa pagkatuto ng isa. Sa bansa pa naman natin, napakalaki ng pagpapahalaga sa edukasyon. Bakit ko ‘to biglang napag-usapan? Noong nasa mananahi ako kanina, sinabi ng pahinante ng tela na parang hindi pa daw ako magtatapos. Parang nasa kolehiyo pa raw ako dahil naglalaro pa raw ako ng mga video games. Napaisip ako bigla, bakit ganoon na lamang ang tingin nila sa paglalaro? Sa totoo lang, maraming bagay akong natutunan sa paglalaro. Mula sa paglalaro ng Pokemon kung saan natuto ako gumawa ng mga estratehiya hanggang sa paglalaro ng mga may kuwento mga laro kung saan lumaki ang aking bokabularyo. Kasama na din ang mga live-action games kung saan natuto ako ng tinatawag na thinking on my feet kapag napaharap sa isang sitwasyon.

Sabi nga ni Teresa Cremin, isang propesor sa edukasyon:

“A key issue in my view is being convinced that play and creativity have an important role in education, and that as professionals we have a responsibility to nurture these.

The world is changing and is more uncertain than ever before. Surely creativity is a critical component in enabling us to cope, to find pleasure, and to use our imaginative and innovative powers. These are key resources in a knowledge-driven economy and, as educators, we must take up the mantle and educate for tomorrow.”


Sanggunian: Daily Mail UK

Nakakaadik.

Naging biktima na ako dati ng pagkaadik sa mga video games. Totoo na nakahahadlang ito sa pag-aaral bagaman maraming bagay na matutunan mula rito. Labis na negatibo ang pagtingin ng mga tao sa mga laro dahil dito. Pero, sa totoo lang, kung may disiplina, isa ang laro sa pamamaraan upang magamit ang pagiging malikhain ng isang bata. At, kung ipaglalaban ng isa na sa bata lang naman pala, masasabi kong kahit sa edad kong ito nakatutulong pa rin ito upang mapukaw ang aking interes at paganahin ang aking isipin. Lilinawin ko, hindi nakabobo ang video games. Sa katunayan, hindi lamang ito nakatutulong sa pagpapagana ng isipan, nakatutulong din ito upang magtanggal o magpawala ng stress. Hindi ba mas matuto ang bata sa paggamit ng isang blackboard Math competition sa halip na ilang oras magdiskusyon tungkol sa mga fractions? Hindi na mas matuto ang isang indibidwal kung magagamit niya ang mga teoryang natutunan niya sa paglalaro? Hindi ba makatutulong ang kompetisyon o ang oportunidad na matuto kasama ang kaibigan nang gumagawa at nag-iisip magkasama sa halip na nakayukong nagbabasa ng isang aklat at nagsusulat ng sandamakmak na tala sa kwaderno ng mga teorya at aralin para sa motibasyon? At maidagdag ko lang, anong masama sa paglalaro kung may libreng panahon ka naman?

Tandaan, basta may balanse sa pag-aaral at sa anumang bagay na pinaggugugulan ng panahon at enerhiya, ayos lamang iyon. Games do not make you stupid. Addiction and laziness do. Maling ilayo ang mga bata sa video games dahil lalo lang nila ‘to hahanaphanapin. Patikimin paminsanminsan. Hayaang pagkahumalingan kung may panahon naman. Pabayaang mapunan nila ang mga nasa nila sa paglalaro kung paanong kayo din gumagastos para kainin ang gusto niyo o bilhin ang gusto niyo. Walang masama sa paglalaro kung may kontrol sa sarili. At pahabol lamang pala, ayos lamang din iyon basta hindi sila nagkukulong sa kuwarto. Hahaha.

Sa Tabi

Screenshot (3)

If you see him in the street, walking by her
Side, talking by her side, have pity

They are going through the unimaginable.”

“It’s Quiet Uptown”
Hamilton – An American Musical
by Lin Manuel-Miranda

Sa nakaraang dalawang araw, paputol-putol kong pinanood ang malinaw na bootleg ng Hamilton. Maraming eksena at kanta na tumatak, nagpakilabot, at nagpatayo ng mga balahibo pero iba ang tama sa akin ng eksena at kantang ‘to.

Pilit ikinukumpara ng kanta ang dati at ang kasalukuyan. Hindi na luma ang kuwentong iyon. Mainit sa simula, nanlalamig sa gitna hanggang umabot sa punto na ang pagpapahalaga naiiwala. Ngunit, para sa akin, ang pinakamahalaga talagang imaheng ipininta ng dulang ito ang pagiging nasa tabi ng isa sa isa. Pagpili iyon. Pananatili. Isang pagpapala. Ito ang mga bagay na kadalasang nawawalan tayo ng pagpapahalaga. Kapag nasasanay tayo, nakalilimutan natin na patuloy tayong pinipili ng taong iyon na maging nasa tabi natin anuman ang hinaharap natin at kahit na minsan nakalilimutan natin sila. Iyon marahil ang masakit sa akin, palagi naman, na piliin ng isa na sukuang maging nasa tabi mo…na maiwala mo ang pribiliheyong katabi siya sa kama bago matulog, na kapitan niya ang mga braso mo at maramdamang may nagnanais magsumiksik sa mundo mo, na may patuloy na nagsusumamong sabayan ang bilis ng paglalakad mo kahit pa ang laki ng agwat ng mga hakbang niyo. Nariyan lamang siya at hindi mo na kailangang lumayo pa upang maramdaman ang pag-ibig na ipinagkakait ng napakarami at nakalulunod na mga kahilingan ng mundong ito. Siya ang hangin mo sa nakasasakal na mundong ‘to. Nabulag si Alexander ng ambisyon niya at nakalimutan niyang tumingin sa kaniyang paligid. Isang kabalintunaan ang paulit-ulit na “Look around, look around.” dahil lipunan lamang ang nakita niya sa pagtingin niya. Palagian niyang nakalilimutan ang katabi niya. Pinili kasi ni Hamilton ang ambisyon niya, at wala namang masama roon, kaso, sa proseso ng pagsusumamo para sa bayan, nagkulang siyang magsumamo para sa kaniyang pamilya at naramdaman niya lamang ang pagkawala ni Eliza noong naiwala niya na ang lahat ng kaniyang pinaghirapan para sa bayan. Hindi ko ipinupunto na unahin ang pamilya bago ang bayan. Sa totoo lang, isa ako sa mga tutol sa ganoong pag-iisip. Para sa akin, dapat ginagawang gawain ng pamilya ang pagbubuo ng bayan. Kahit kailan hindi dapat papiliin ang isa sa dalawa dahil dapat pinipili ng bawat pamilya ang bayan. Siguro, ang punto ko talaga, matuto nating pahalagahan ang mga taong patuloy tayong pinipili. Huwag sana tayong mabulag ng mga ambisyon natin para maipagwalang-bahala ang mga taong “nagsusumamong sumabay sa mga hakbang natin” dahil, sa totoo lang, isang pribiliheyo ang maging nasa tabi nila.

Kaya, tumingin sa iyong paligid nang maigi at pansining ang pagpapala pala ay nakakapit lang sa mga bisig mo, nasa tabi lang. That would be enough.

Pagpapala

sdr

Matagal na akong hindi nakapagsusulat sa blog kong ito ngunit napapasulat ako ulit dahil (1) wala na ata akong budget para sa isang regalo, at (2) higit ko atang naipapahayag ang gusto kong sabihin sa pamamagitan ng pagsusulat. (at yoon naman ang pakay nito)

Sa araw na ito ang ikalawang buwansaryo namin ni Bb. Rainbow T. Gutierrez. Kapag iniisp ko na dalawang buwan pa lang kami, hindi pa rin ako makapaniwala. Una, dahil: “WOW! DALAWANG BUWAN NA KAMI!” at ikalawa, dahil: “DALAWANG BUWAN PA LANG KAMI!?” Hindi ganoon ang pakiramdam. Paulit-ulit na pero uulitin ko, parang ilang taon na kaming nagsasama. Ang taas ng nibel ng commitment at investment. (pasensya na dahil parang hindi angkop ang mga nakita kong mga salin) Ano ang pakiramdam? Nakatatakot pero masarap. Matapos lahat ng pinagdaanan ko, akala ko wala na akong kaya pang ibuga at ibigay pero heto ako ngayon todo-bigay, todo-buga. Pakiramdam ko na hindi pa ako nakarating sa ganito kalalim na bersiyon ng isang relasyon. Pero masarap dahil tuwing tinitingnan ko ang sarili ko sa salamin nababanaag ko ang nabuksan na bahagi ng sarili ko, ang aking potensiyal na tanging siya lamang ang nakapagbukas. Patuloy kong nakikilala ang sarili ko at patuloy akong nagiging tiyak sa pagsasamang ito. Hindi ko maiwasang magbigay nang magbigay dahil alam kong yoon ang nararapat para sa isang taong katulad niya at patuloy niyang ipinababanaag sa akin na kaya ko pang magbigay. Higit sa lahat, ipinaalala niya sa akin ang halaga ng pangangahas. At, simula ng makilala ko siya, nagkalakas ako mangahas…sa kaniya, bumalik sa ENTA, maghabol sa maraming bagay, at marami pang iba. Tama ang sinabi nila kahit hindi ako naniniwala nang lubusan sa teolohiya. Love fosters growth. At naniniwala akong hindi naging ganito kabilis ang pag-unlad ng aking sarili kumpara sa nakaraang apat na taon. Siya talaga ang tunay na nagbalik sa pagkasabik ko sa lahat ng bagay (tulad noong kakapasok ko lamang sa Ateneo) na naiwala ko noong nakaraang tatlong taon dahil, ngayon, may mapagbabahigaan na ako ng mga karanasan ako. Ngayon, alam ko, at hindi ko ‘to naramdaman talaga dati, na may sasalo sa akin kapag pumalya ako sa pangangahas ko. Salamat dahil ang nakaraan tatlong buwan ng pagkakakilala ko sayo ang pinakamasayang tatlong buwan ng buhay ko. Ganito pala ang pakiramdam mamahal na maramdamang may sumusuporta at sasalo sayo sa lahat ng bagay…na may handang magtaya na maging nariyan para sayo at gawin ang lahat para pasayahin ka. Ganito pala ang pakiramdam ng umasa nang walang alinlangan. Nagmahal na ako at nasaktan paulit-ulit pero kasama ka hindi na ako natatakot masaktan. Alam kong magiging ayos ang lahat basta kasama kita. Isa kang pagpapala at kahit kailan hindi ko alam kung paano pasasalamatan ang tadhanang nagpanagpo sa kaniya-kaniyang landas na panapanahong inililihis sa kaligayahan at patuloy na inilulusong sa mga pintong naglalaman ng oportunidad na nauuwi sa pagkakasakit natin.

Sabi nila, balang-araw makikilala mo yung tao kung bakit lahat iba pang bagay hindi natuloy o hindi nagpatuloy. Si Rainbow yun. Ikaw yun Bow. Salamat sa pagpapaunlak sa imbitasyon kong harapin ang mundo at ang mga pagsubok nito nang magkasama. I’m really looking forward to the adventures that we’ll have. It’s only been three months and we’ve had so many already.

Mahal na mahal kita, at, sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, pipiliin kong makasama ka! ❤ Maligayang ikalawang buwansaryo!

Iba ka. Iba ‘to. Game-changer ka talaga!

“Reformat”

Sa gagawin namin, pilit kung kinukumbinsi ang aking sarili na hindi namin ito ginagawa para sa kapangyarihan. (hindi naman talaga) Ginagawa namin ito para sa organisasyon. Kinukumbinsi ko ang sarili ko na ang mapangahas ang gagawin naming ito dahil desperado na kami at gaya ng kasabihan: “desperate times call for desperate measures.” Hindi ko alam kung kami lang ang nakakakita pero nasa isang malubhang kalagayan ang organisasyon at nasamantala ang pagkakaroon nito ng nahuhulmang identidad para sa pagpapakalat ng ideolohiyang labag sa kalikasan ng organisasyon. Nakalulungkot na magiging “madugo” ang proseso ng pagsalba sa organisasyong ito ngunit nauubusan na kami ng mga hakbang na hindi gaanong mapangwasak. Gaya ng bawat pag-reformat ng isang kompyuter na naimpeksyon at nasira ng isang virus, may mga mawawala talaga sa proseso ng pagsisimula muli. Mas mabuting mawalan ang organisasyon kaysa ang mismong organisasyon ang mawala. Marami kaming isasakripisyo para maipagpatuloy lang ang mga hakbang namin at mabigat na mabigat ito sa aming kalooban. Pero kailangan. Para sa Baybayin. Para sa Ateneo. Para sa bayan. Makaaasa sinuman na pinag-isipan namin nang maayos ang mga hakbang namin at ito na talaga ang serye ng mga hakbang na may pinakakaunting pinsala sa organisasyon. We want nothing but what’s best for the organization and if we have to recover from this less than what we started, that’s fine. Hanggang nakalalakad at hanggang nakakikilos, makauusad.

Walang ritong personalan. Wala ritong pananadyang manakit. Mas pinipili lang namin ang organisasyong mahalaga ang papel sa pagbubuo ng bayan.

Labag ito sa integridad ko. Labis akong binabagabag ng konsensiya ko pero kailangan…kailangan talaga.

Minanhid at Pinalimot

Maraming bagay na kinasasanayan lamang. Likas sa tao na umangkop sa mga bagay na nangyayari sa kaniya at sa kaniyang paligid. Kapag malamig ang klima, sa pananatili sa lugar na iyon, dadating ang panahon na hindi na kailangan ng isa na magsuot pa ng makapal na kamiseta. Sanayan nga lang. Kung ganoon, mukhang kinasasanayan din ang masaktan. Siguro, sa una baka akala mo na pisikal na pananakit o mga karansan ng pisikal na sakit ang pinag-uusapan ko, ngunit hindi iyon ang tinutukoy ko.

“Bawat dalamhati ay may katumbas na ligaya at bawat ligaya ay may katumbas na dalamhati.”

Natatandaan ko dati na sabi ko na ang mundo ng pag-ibig ay mundo nga pagkawala/kawalan. Sa tuwing, magtataya (pagnilayan ang salin nito na gamble) tayo, lumalayo tayo sa nakasanayan, sa ligtas. Inilalagay natin ang mga sarili natin sa panganib…sa panganib na masaktan. Dahil sa pagtataya may pagbibigay ng sarili (kahit bahagi lamang) at, madalas,  kapag bumabalik ang ibinigay natin, hindi na ito katulad ng dati. Mapagtatanto nating hindi na tayo buo…para bang may kagat sa isang cake. Paulit-ulit ito. Magtataya. Matatalo. Magtatayo. Matatalo. Magtataya. Matatalo. Minsan aabot sa punto na akala natin nanalo na tayo na para bang sulit lahat ng pagtataya natin pero mauuwi din pala sa pagkatalo. Mahirap magtaya. Lagi kang talo. Mahirap magmahal. Lagi kang masasaktan. Mahirap magtaya kasi walang kasiguraduhan. Mahirap magtaya…mahirap magmahal dahil madalas hindi mo siya maunawaan. Sabi nga ni Ted Mosby:

“But love doesn’t make sense! You can’t logic your way into or out of it. Love is totally nonsensical. But we have to keep doing it or else we’re lost and love is dead, and humanity should just pack it in. Because love is the best thing we do.” 

Napakikilos kang gawin ang mga bagay na hindi mo akalang magagawa mo. Kusa ang katawan at minsan hindi na pinag-iisipan. Nararamdaman mo na unti-unti kang nag-iiba. Iba ang pakiramdam, hindi mo makontrol at hindi mo maintindihan. Markado na sa utak mo ang pakiramdam kaya sa mga masasayang alaala, may pantandang nakamarka sa bawat alaalang iyon. Higit pa na masaya kapag nag-uumapaw din galing sa iba at binabaha ka o napauulanan ng pag-uumapaw na iyon. Masasanay ka. Kapag hinahanap-hanap mo, nakukuha mo. Ngunit, gaya ng lahat ng bagay (maliban sa plastic), mayroon itong katapusan. Titigil ng umulan, bumagyo, at magbaha. Baka taglamig at tagtuyot na lang ang papalit. Unti-unting mawawala ang mga pantanda. Ang mga dating mga alaala na nilalanguyan mo’t nagpapangiti sayo ay wala ng kabuluhan. Ang tanging dahilan kung bakit may kabuluhan pa ito ay ang sakit na dulot nito. Lagi itong magiging kulang dahil wala na yoong pantanda nito. Hindi na ito nagliliwanag o nagninigas tulad dati. Para na itong pundidong bombilya, walang kuwenta. Ngunit lalanguyin mo pa rin pero, ngayon, mga luha mo na ang lalanguyan mo. Gusto mo lang pagsamasamahin sila sa binuo mong baha, nagbabakasakaling kapag piangdugtong sila ng mga luha mo, magiging makabuluhan muli. Masasanay ka sa sakit. Masasanay ka sa lungkot. Masasanay kang “lumangoy” Aabot sa punto na maging manhid ka na. Malilimutan mong mapaso. Malilimutan mong maramdaman ang “init” ng iba. Malilimutan mong makaramdam dahil hindi ka na nakararamdam. Aabot sa puntong ayaw mo ng tangkaing makaramdam muli. Kadalasan ay katatamaran mo pa. Ayaw mo na. Suko ka na. Minsan aabot pa sa punto na hahanapin mo yung pakiramdam kahit na hindi totoo at hindi tama ang sitwasyon. Papatusin mo kahit hindi tunay. Sa paglimot mo, tinuruan mo ang sarili mong matutong makuntento sa ‘di sapat na mga aproksimasyon ng “dapat” at ng nararapat sayo. Nakalimutan mo na karapatdapat kang mahalin. Nakalimutan mo na karapatdapat kang alagaan. Nakalimutan mong mahalaga ka. You deserve what is best. You deserve love. You deserve way something more than what you settled for.

 Pero sana ‘wag kang manghimagod. Ibalik mo yoong bersiyon ng sarili mo na marunong magmahal at bukas na mahalin din. Mahirap man unawain, mahirap man kontrolin, mapanghamon man, at malaki ang tsansang masaktan ka, lahat ng pagtatangka at pagtataya mo masusuklian din sa huli. I’d like to believe so. Sana. Muli, sabi ni Ted Mosby:

“If you’re looking for the word that means caring about someone beyond all rationality and wanting them to have everything they want no matter how much it destroys you, it’s love. And when you love someone you just, you…you don’t stop, ever. Even when people roll their eyes, and call you crazy. Even then. Especially then. You just—you don’t give up. Because if I could just give up…if I could just, you know, take the whole world’s advice and—and move on and find someone else, that wouldn’t be love. That would be… that would be some other disposable thing that is not worth fighting for. But I—that’s not what this is.”

Siguro nga hopeless romantic lang talaga ako. Oh well.

Lilipas din ang pagkamanhid. Baka may dumating na napakainit at mapaso kahit sa kamanhiran. Buksan mo lang iyong sarili.